Target ng Senado na matalakay na sa plenaryo ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) sa pagbabalik ng kanilang sesyon sa Hulyo.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, base sa naging pag-uusap nina Senate Committee on Agriculture Chairperson Senator Cynthia Villar at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay may napagkasunduan nang magiging bersyon ng Senado na naturang panukala.
Matatandaang nitong nakaraang linggo ay nagkaroon ng dinner ang mga senador kasama si Pangulong Marcos sa Malacañang.
Sinabi ni Escudero, na batay sa napagkasunduan ay tatapusin ni Senator Villar ang mga pagdinig sa panukalang amyenda sa RTL ngayong naka adjourn ang sesyon para sa pagbubukas ng kanilang sesyon ay matatalakay na ito sa plenaryo.
Pinahayag naman ng senate leader na sang-ayon siya sa agam-agam ng ilang mambabatas tungkol sa pagbabalik ng mandato sa National Food Authority (NFA) na mag-angkat ng bigas.
Dapat aniyang matuto na tayo sa mga pagkakamali ng nakaraan.
Kaya naman ang direksyon aniya ng bubuuin nilang panukala ay ibigay sa Department of Agriculture ang poder na mag-angkat ng bigas. | ulat ni Nimfa Asuncion