Pinagtibay ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang pinag-isang panukala na layon nang ipagbawal ang substitution ng kandidato dahil sa withdrawal o pag-atras.
Limang panukalang batas ang pinag-isa ng komite na layong amyendahan ang section 77 ng Omnibus Election Code.
Umaasa si San Jose Del Monte City Rep. Rida Robes, isa sa mga may akda ng panukala, na mapagtibay ito bilang batas lalo na at papalapit na ang 2025 midterm elections.
Punto ng kinatawan na tila niloloko lang ang taumbayan sa ginagawang substitution na wala man lang valid na rason.
“Candidates for elected office should be prevented from undermining the integrity of the voting process by utilizing clauses like substitution by means of withdrawal as a means of advancing their personal interest,” ani Robes.
Ganito rin ang tinukoy ni Quezon City 6th district Rep. Marivic Co-Pilar.
Aniya, ginagawang mockery o katatawanan ang certification of candidacy process sa paggamit ng mga indibidwal bilang place holder na kalaunan ay papalitan din naman pala.
“We have witnessed the regrettable practice of using individuals as mere placeholders, a mockery of this undermines the integrity of our elections [and] erodes public trust,” giit niya.
Sakaling maisabatas, hindi na ituturing na valid ground para sa substitution ang withdrawal o pag-atras ng kandidato maliban na lang dahil sa ‘permanent incapacity’. | ulat ni Kathleen Jean Forbes