Sinuyod ng MMDA Special Operations ang ilang kalsada sa Parañaque at Pasay para linisin ito mula sa mga nakakalat sa kalsada.
Pinangunahan ni MMDA Special Operations Chief Gabriel Go ang naturang clearing operations kung saan nagsimula ito 9:30 ng umaga.
Sa ngayon apat na sasakyan na ang kanilang nahatak habang aabot naman sa mahigit 20 ang naitalang ‘apprehension’.
Kabilang dito ang illegal vendors sa kahabaan ng Macapagal Ave sa lungsod ng Parañaque.
Reklamo lang ng ilang mga tindera sa lugar ay nagbabayad sila ng P20 kada araw sa isang lalaki na nagsasabi na mula sa city hall ng Parañaque.
Kapalit nito ay isang stub at pangako na hindi sila makakaranas ng anumang clearing.
Ayon kay Gabriel Go dapat makipag-ugnayan ang mga ito sa city hall at linawin ang kanilang patakaran hinggil dito dahil hindi kinikilala ng MMDA ang nasabing stub. | ulat ni Lorenz Tanjoco