Siniguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko lalo na ang mga residente ng Maguindanao na nananatili ang kapayapaan at seguridad ng mga Pilipino, sa prayoridad ng kaniyang administrasyon.
Sa distribusyon ng presidential at iba pang government assistance sa Maguindanao del Sur, kinilala ng Pangulo ang hamong pang-seguridad na patuloy na ini-inda sa lugar.
“Mga kababayan sa kabila ng mga programang ito, hindi natin kinakalimutan ang mga hamon sa seguridad na patuloy ina iniinda dito sa Maguindanao del Sur ang kasaysayan ng kaguluhan ay nag-iwan ng marka sa magandang lupain na ito na patuloy na nakaka-apekto sa inyong araw-araw na kabuhayan.” —Pangulong Marcos Jr.
Pagbibigay diin ng Pangulo, malalampasan ng mga Pilipino ang hamong ito lalo’t patuloy na tinutugunan ang ugat ng hidwaan at ‘di pagkakaunawaan sa lugar.
“Alam kong malalagpasan natin ito, tinitiyak ko sa inyo na ang kaligtasan ng ating mamamayan at nananatiling prayoridad ng aking adminstrasyon.” —Pangulong Marcos Jr.
Dahil dito, hinihimok ng Pangulo ang lahat na magkaisa at makipagtulungan sa pamahalaan.
“Sa patuloy natin pagtugon sa ugat ng hidwaan, makakamit natin ang tunay na kapayapaan at pagkakaunawaan sa ating mga komindad kung kaya hinihimok ko ang lahat na patuloy na magka-isa at pagsamantalahin ang pagkakataong ito upang makipag-tulungan sa gobyerno.” —Pangulong Marcos
Inatasan rin ng Pangulo ang lahat ng ahensya ng pamahalaan, maging ang local government units (LGUs) na siguruhing makararating hanggang sa pinaka-liblib na lugar ang tulong ng national government.
Sa ganitong paraan, magpapatuloy ang pag-unlad at hindi na muling masasadlak sa kahirapan at kaguluhan ang mga ito.
“Inatasan ko rin ang lahat ng ahensya ng gobyerno, kabilang ang lokal na pamahalaan, na tiyakin na nakakarating sa ating kababayan ang ibat ibang ayuda at serbisyo mula sa pamahalaan.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan