Bahagi ng ipinatutupad na pressure management strategy ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang nararanasan na manihang water pressure sa ilang lugar sa NCR.
Ito ayon kay MWSS Engr. Patrick Dizon ay kabilang sa inisyatibo ng kanilang tanggapan upang pababain ang konsumo sa tubig ng kanilang consumer, sa gitna ng tagtuyot sa bansa.
“Itong paghina po ng water pressure sa atin pong mga kabahayan ay isa sa mga inisyatibo natin para pababain po lalo iyong konsumo po ng atin pong mga customers ngayong summer, at para na rin po mapababa iyong atin pong leakages o iyong mga nasasayang na tubig sa atin pong sistema,” —Dizon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, siniguro ng opisyal na kahit pa nagpapatupad sila ng mga ganitong hakbang, makakaasa ang publiko na hindi sila mawawalan ng suplay ng tubig.
Sakali aniya na magpatupad ng water interruption ang MWSS, resulta lamang ito ng mga leak repair activities ng kanilang hanay, at maaga nila itong ipababatid sa publiko.
“Kung sakali man po na magkaroon ng mga water interruptions sa ating mga lugar ay ia-announce naman po natin ito in advance sa atin pong mga customers. Pero itong mga interruption pong ito ay dulot po ng mga maintenance or mga leak repair activities na regular naman po nating ginagawa para mapabuti po natin iyong serbisyo sa atin pong mga customers,” —Dizon. | ulat ni Racquel Bayan