Susuporta ang Kamara sa mga inisyatiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos nitong ibida sa harap ng mga negosyante ng Brunei ang pagiging prime investment destination ng Pilipinas.
Kasunod ito ng ginawang Philippine Business Forum Miyerkules ng umaga sa Brunei na magkasamang dinaluhan ng Presidente at ni Speaker Martin Romualdez.
Sabi ng lider ng Kamara, sinamantala ng Punong Ehekutibo na maibida ang Pilipinas sa mga negosyante at mamumuhunan ng Brunei.
At upang maisakatuparan ito ay tinitiyak ni Romualdez ang buong suporta ng Kamara para makapagpapasok ng mas maraming foreign invesment na magreresulta sa pag-unlad at paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sa talumpati ng Pangulong Marcos Jr. sa naturang forum, tinukoy nito ang malaking potensyal at benepisyo ng ugnayan ng Pilipinas at Brunei sa sektor ng agribusiness, renewable energy, at pagpapalago ng Halal industry
Inilatag din nito ang mga repormang ipinatupad ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga negosyante pati na ang itinatag na Maharlika Investment Fund.
“The House of Representatives stands ready to collaborate with the executive branch and private sector stakeholders to implement measures that support the President’s vision. By enhancing the country’s investment landscape, the government aims to drive economic progress, create jobs, and improve the quality of life for all Filipinos,” sabi ni Romualdez.| ulat ni Kathleen Forbes