Libu-libong mga magsasaka, mangingisda at mga pamilya na higit na naapektuhan ng El Niño phenomenon ang inaasahang makakatangap ng tulong mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw sa Zamboanga City.
Pangungunahan ng Pangulo ang aktibidad na tinatawag bilang “Distribution of Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families impacted by El Niño” sa Universidad de Zamboanga o UZ Summit Center.
Inaasahan na makakasama ni Pangulong Marcos si Secetary Francisco Tiu Laurel ng Department of Agriculture at ilan pang cabinet secretaries.
Inaasahang magkakaroon din ng ceremonial turnover sa mga LGU ng Zamboanga City, Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay, at Zamboanga del Sur kung saan ang tulong na ibibigay na galing sa SCPF ay P10 milyon kada probinsya.
Ayon kay Assistant Secretary for Radio ng Presidential Communications Office at tagapagsalita ng Task Force El Niño na si Asec. Joey Villarama, naiiba ito sa tulong na naibigay na ng gobyerno.
Ito aniya ay manggagaling sa tinatawag na Socio-Civic Projects Fund (SCPF) na dating tinatawag na President’s Social Fund, na alinsunod naman sa regulasyon kung paano magagamit ang discretionary fund ng Pangulo.
Ang nasabing pondo ay ilalaan partikular sa mga magsasaka, mangingisda at mga apektadong pamilya sa Region 9. | ulat ni Shirly Espino | RP Zamboanga