Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpapatuloy ang ginagawa niyang pagpunta sa iba’t ibang rehiyon ng bansa at makamusta ang kalagayan ng mamamayan.
Sa talumpati ng Pangulo sa isinagawa nitong pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa Iligan City, inihayag ng Punong Ehekutibo na patuloy ang kanyang gagawing pag-iikot at pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan lalo na sa mga naapektuhan ng nararanasang tagtuyot.
Maaari naman aniyang iutos na lang niya sa kanyang mga gabinete ang paghahatid ng tulong subalit ang nais aniya niya ay personal na makita ang kalagayan ng ating mga kababayan.
Nais din, sabi ng Pangulo, na marinig niya mismo ang mga hinaing ng taongbayan.
Sa ilalim aniya ng Bagong Pilipinas, walang manlalamang at walang malalamangan, habang wala ring mang-iiwan at walang maiiwanan.
Lahat aniya ay sabay-sabay na hahakbang tungo sa mas maunlad na kinabukasan at magiging asensado ang bawat Pilipino. | ulat ni Alvin Baltazar