Tinanggap ng mga tripulante ng BRP Bagacay (MRRV-4410) ang mga medalya mula sa Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa pakikibahagi nito sa humanitarian mission para sa mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc na nauwi sa pag-water cannon sa kanila ng mga barko ng China Coast Guard (CCG).
Personal na iginawad ni PCG Officer-in-Charge, CG Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr, ang “Coast Guard Merit Medal and Ribbon” sa mga Coast Guardians na buong tapang na isinagawa ang naturang inisyatibo bilang pagtupad sa kanilang tungkulin para sa bayan.
Binati rin ng PCG Officer-in-Charge si CG Captain Jane Gesulgon, ang kapitan ng BRP Bagacay, para sa pagsasakatuparan ng misyon nito at pagpapanatiling ligtas ng 38 PCG personnel na tripulante ng barko.
Ang BRP Bagacay ay isa lamang sa dalawang barko ng Pilipinas na kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na naghahatid ng tulong para sa mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc na pinalibutan at binombahan ng water canon ng mga barko ng CCG nitong Martes na nauwi sa ilang sira sa barko ng Pilipinas.
Mariin namang kinondena ng iba’t ibang mga bansa ang nasabing aksyon ng CCG sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.| ulat ni EJ Lazaro