Dapat ding magkaroon ng sariling water cannons ang mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng panibagong water cannon attack ng China Coast Guard sa sasakyang pandagat ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa may Panatag Shoal.
Paliwanag ni Pimentel, dapat may water cannon rin ang PCG para magamit ito sa mga lumalabag sa ating mga batas at sovereign rights sa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Giniit rin ng senador na ang water cannon ay isang standard equipment na dapat mayroon ang isang coast guard sea vessel dahil paraan ito para itaboy ang mga nanghihimasok at lumalabag sa batas. | ulat ni Nimfa Asuncion