Nakahanda na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Catanduanes kaugnay ng posibleng pananalasa ng bagyong Aghon sa lalawigan.
Kahapon ay isinagawa ang isang emergency neeting sa kapitolyo na dinaluhan ng mga miyembro ng PDRRMC Catanduanea gayundin ang mga kinatawan mula sa local Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs) at iba pang mga ahensya.
Tinalakay dito ang kahandaan ng iba’t ibang mga ahensya at ng mga local DRRMOs sa bagyong Aghon.
Sa ngayon, naka-activate na ang lahat ng emergency lines ng probinsiya pati na ang mga MDRRMO ng bawat munisipyo. Kasalukuyang nasa Blue Alert Status ang lalawigan at mahigpit na ipinatutupad sa ngayon ang no sailing policy sa lalawigan.
May higit 7,000 prepositioned goods din na nakahanda ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Patuloy rin ang pagbibigay ng food packs sa mga stranded sa pantalan ng San Andres at Virac, maging ang mga stranded na participants ng regional events na isinagawa sa lalawigan nitong linggo na nananatili naman sa Catanduanes State University dormitory at ilang paaralan sa San Andres.
Ilang aktibidad na rin ang kinansela at nireschedule kaugnay ng nakatakdang selebrasyon ng Abaca Festival na sisimulan sana sa Lunes, Mayo 27.
Sa ngayon ay nakasailalim pa rin sa Signal No. 1 ang lalawigan ng Catanduanes. | ulat ni Juriz Dela Rosa | RP1 Virac