Ibinahagi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang pagtaas ng kita ng Gross Gaming Revenues (GGR) ng bansa para sa unang quarter ng 2024 kung saan umabot ito sa tinatayang halaga na ₱81.7 bilyon.
Ang nasabing halaga ay pagtaas na katumbas ng 18.54% kumpara sa ₱68.92 bilyon na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco na ang pagtaas na ito ay pangunahing dulot ng electronic games o e-games na nakapagtala ng kita na aabot sa ₱22.5 bilyon, anim na beses na mas mataas noong nakaraang taon.
Binigyang-diin ni Tengco ang epekto ng teknolohiya sa industriya ng gaming at ang paglaganap ng mga mobile devices bilang entertainment preference.
Maliban dito kasama rin sa nasabing revenue ang kita sa mga licensed casino at mga operasyon ng bingo na nakitaan naman ng pagbaba ng kita kumpara noong nakaraang taon.
Sa kabila nito, nalampasan pa rin ng kabuuang GRR ang nakaraang record nito sa ₱80.12 bilyon na naitala sa huling quarter ng 2023.
Nakikitaan naman ng PAGCOR na maglalagpasan nito ang target revenue na ₱336 bilyon para sa buong taon ng 2024. | ulat ni EJ Lazaro