Pinatatag pa ng Pilipinas at Hong Kong ang ugnayan nito pagdating sa pagnenegosyo sa pamamagitan ng paglagda ng isang Memorandum of Understanding (MoU) sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI) at Hong Kong Trade Development Council (HKDTC).
Layunin ng nilagdaang MoU na palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at Hong Kong at itaas ang mga aktibidad pagdating sa bilateral trade para sa mga lokal na kumpanya sa bansa at HK.
Ayon sa DTI, naisakatuparan ang nasabing kasunduan sa tulong ng Philippine Trade and Investment Center sa Hong Kong (PTIC-HK) sa nakalipas na tatlong taon na nauwi sa mahalagang yugto na ito.
Itinuturing ang Hong Kong bilang ika-anim na pinakamalaking trading partner ng Pilipinas noong 2023 kung saan nakapagtala ito ng aabot sa kabuuang $10.85 billion na halaga ng mechandise trade.
Katumbas ito ng $8.84 billion ng Philippines exports ng merchandise sa Hong kong habang $2.01 billion ang na-import ng bansa mula sa Hong Kong.| ulat ni EJ Lazaro