Nanindigan si Department of Foreign Affairs Secretary (DFA) Secretary Enrique Manalo na hindi nagpapagamit ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Ang pahayag ni Manalo ay binasa ni DFA Assistant Secretary Marshall Louis Alferez sa National Security Cluster Communications ng “Bagong Pilipinas” Media Engagement and Workshop na isinagawa sa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) sa San Narciso, Zambales noong Mayo 2 hanggang 4.
Ayon kay Manalo, pilit na pinapalabas ng ilang mga bansa na ang isyu sa WPS ay away ng mga “superpower” at isinasangkalan lang ang Pilipinas sa gitna ng laban.
Paliwanag ni Manalo, malayo ito sa katotohanan, dahil ang naturang alegasyon ay paraan lang para manipulahin ang mga Pilipino na mawalan ng interes sa isyu at ang Pilipinas mismo ang nangunguna sa pakikipaglaban sa karaparatan ng bansa sa WPS
Giit ni Manalo, kailangang magkaisa ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtalikod sa propaganda at disimpormasyon na layong isabotahe ang pagsisikap ng bansa na itaguyod ang rules-based order sa naturang karagatan. | ulat ni Leo Sarne