Nais ngayon ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na paigtingin pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang pagpapatrolya sa Karagatang Pasipiko.
Kasabay ito ng pagkondena sa presensya ng mga barko ng China sa silangang bahagi ng Pilipinas sa may bandang Catanduanes.
Sa isang privilege speech sinabi ni Tulfo na naghain siya ng resolusyon kasama ang iba pang mambabatas para para hikayatin ang AFP at Philippine Coast Guard (PCG) na magdagdag ng tauhan at paigtingin ang pagpapatrolya at maritime surveillance sa eastern seabord ng bansa.
“Tila malaya na pong nakakapasok at tumambay ano mang oras ang mga barko ng China sa ating mga karagatan. Akalain niyo na dito naman sa silangang bahagi ng ating bansa ang puntirya ngayon ng China tulad ng Benham Rise at Catanduanes area,” saad ni Tulfo.
Dapat aniya itong paghandaan upang maiwasang magkaroon na naman ng panibagong pananakop ang China sa ating teritoryo gaya ng ginagawa nila sa West Philippine Sea
Kinumpirma ng AFP ang presensya ng isang Chinese-flagged research vessel na nagngangalang Shen Kuo ay naunang namataan noong Abril 25, 2024, halos 60.9 nautical miles east ng Rapu-Rapu island, Albay.
Nitong Abril 30, ang naturang barko ay nagdala ng hindi matukoy na kagamitan halos 100 miles sa silangang bahagi ng Catanduanes.
“If we continue to allow Chinese vessels in that part of our country, we might send the wrong signal to China that we really cannot protect our territory. We must act now before the Chinese Coast Guard and Chinese militia take over our Exclusive Economic Zone in the Pacific Ocean,” sabi pa ng mambabatas.| ulat ni Kathleen Forbes