Sumampa na sa P5.9 bilyon ang halaga ng pinsalang idinulot ng matinding tagtuyot sa sektor ng agrikultura, ayon sa Department of Agriculture.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, batay sa assessment report ng DA-DRRM Operations Center, pinakaapektado pa rin ang rice sector na sumampa na sa P3.1 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsala.
Sinundan ito ng mais na P1.76 bilyon, at high value commercial crops na nasa P958 milyon ang pinsala.
Sa mga rehiyon naman ay naitala sa MIMAROPA region ang pinakamalaking pinsala na sinundan ng Western Visayas, Cordillera at Cagayan Valley region.
Sa kabila nito, patuloy naman ang mga intervention ng DA para umagapay sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng El Niño.
Kabilang dito ang pamamahagi ng financial assistance, farming machineries, fishing equipment, seedlings, composting facilities, at irrigation projects. | ulat ni Merry Ann Bastasa