Bineberipika ng Philippine Navy ang ulat tungkol sa umano’y “pipe installation” sa Bajo de Masinloc.
Ito ang inihayag ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Roy Vincent Trinidad kaugnay ng umano’y nakita ng mga mangingisda na pipe line installation Sa loob ng low-tide elevation ng naturang lugar.
Ang ulat ay nanggaling sa team leader ng isang non-government organization na kabilang sa mga nagsagawa ng civilian mission sa Panatag Shoal.
Ayon kay Commo Trinidad, nakarating na sa kanilang ang ulat at kasalukuyan na aniya silang nagsasagawa ng kaukulang kumpirmasyon.
Paliwanag ng opisyal, maraming paraan ang maaari nilang gawin para sa kumpirmasyon nito kabilang na ang pagdedeploy ng mga barko, sasakyang panghimpapawid, satellite tracking, gayundin ang pakikipagtulungan sa iba pang mga kaalyadong bansa ng Pilipinas.
Kaugnay nito ay sinabi rin ni Commo. Trinidad na hindi pa nila matukoy sa ngayon ang mga posibleng naging paglabag ng sinuman hinggil sa paglalagay ng pipeline sa lugar sapagkat nagpapatuloy pa aniya ang kanilang ginagawang beripikasyon. | ulat ni Leo Sarne