Tinawanan ni Assistant Majority Leader Paolo Ortega ang bagong polisiya ng China na arestuhin ang mga dayuhan na iligal na papasok sa inaangkin nilang teritoryo.
Ayon kay Ortega, kung pagbabatayan ang Lina Law ay malinaw na China ang squatter sa ating teritoryo.
“Nakakatawa yung statements po nila kasi parang maiimplement doon yung Lina law e, kasi sila po yung nag s-squat sa teritoryo natin hindi naman po tayo yung nag s-squat sa teritoryo nila kasi lahat naman po ng ruling saka lumabas po na resulta nung mga nilalakad natin at saka mga kasong na nafile e pabor po sa atin. So, parang baliktad yung sitwasyon.” sabi ni Ortega
Ganito rin ang pananaw ni Zambales Rep. Jay Khonghun.
Aniya, kung mayroong unang dapat arestuhin ang China dahil sa iligal na panghihimasok sa teritoryo ay ito ay ang kanilang mga sarili.
“Kung meron mang lumalabag sa teritoryo, itong yung mga Chinese ano. Nakakatawa, kung may
unang lalabag dapat arestuhin nila yung mga sarili nila, hindi ba? Dahil sila yung lumalabag sa ating teritoryo.” ani Khonghun.
Sabi pa ng mga mambabatas nakakalungkot na ginagawa ng Marcos Jr. administration ang lahat para maresolba ang isyu sa mahinahon at payapang paraan, ngunit China naman ang nagpapalala sa tensyon.
“Nakakalungkot ito sapagkat pinipilit ng ating pamahalaan na ibaba yung tension ano, lalong lalo na sa West Philippine Sea at talagang katulad ng sinabi ng ating pangulo na gusto niya resolbahin ang issue sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng maayos at sa demokratikong pamamaraan, ng mapayapang pag uusap ng mga bansang involve sa territory dispute lalong lalo na sa ating teritoryo. So, nakakalungkot ano dahil itinataas nito ang tension doon sa lugar at kaawa-awa rin ang ating mga mangingisda.” Sabi ni Khonghun
“At the end of the day, ang direksyon po ng ating pangulo, ay ayusin to sa pinaka maayos at pinaka mahinahon na paraan and of course, madepensahan po iyong ating rights and soberanya.” Dagdag ni Ortega. | ulat ni Kathleen Forbes