Kailangang dumaan at sang-ayunan ng Senado sakaling magdesisyon ang administrasyon na bumalik bilang miyembro ng International Criminal Court (ICC) ayon kina Senator Sonny Angara at Senate Minority Leader Koko Pimentel.
Sinabi ni Angara, na kapag natuloy ito ay maituturing na bagong pasok ang Pilipinas sa Rome Statute o ang tratadong nagtatag ng ICC.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Department of Justice (DOJ) na magpipresinta sila kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng plano tungkol sa posibilidad na maglabas ang ICC ng arrest warrant laban sa mga sangkot sa pinatupad na war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Gayundin ang posibilidad na bumalik ang Pilipinas sa ICC.
Samantala, pinahayag rin ni Angara maging ni Senator Nancy Binay na hindi makakatulong sa bansa ang bangayan sa pulitika na nangyayari ngayon.
Ayon kay Angara, nakaka-distract ito sa mas mahahalagang isyung kinakaharap ng bansa gaya ng inflation at national security. | ulat ni Nimfa Asuncion