Magsisimula na ngayong araw, May 30, ang dalawang araw na working visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Singapore, sa harap ng inaasahang pagdalo ng Pangulo sa International Institute for Strategic Studies (IISS) Dialogue.
Kung matatandaan, mag-a-alas-5 ng hapon, kahapon, May 29, nang lumapag sa Changi International Airport ang Pangulo, kung saan sinalubong ito ng ilang opisyal ng Singapore, kabilang sina:
Dr. Vivian Balakrishnan, Minister for Foreign Affairs ng SG,
H.E. Constance See Sin Yuan, Singapore Ambassador to the Philippines, at Chief of Protocol Chia Wei Wen.
Ngayong araw, May 30, dadalo sa kaliwa’t kanang pulong si Pangulong Marcos, kasama ang pribadong sektor.
At bukas, araw ng Biyernes, May 31, ang mga opisyal ng gobyerno ng Singapore, ang makakaharap ni Pangulong Marcos.
Kabilang sina Prime Minister Lawrence Wong at President Tharman Shanmugaratnam.
Una nang sinabi ni Philippine Ambassador to Singapore Madardo Macaraig na sa bilateral meeting bukas, inaasahan na isusulong iyong mga kooperasyon at balikatan sa pagitan ng dalawang bansa, na una nang nasimulan sa ilalim ng dating liderato ng Singapore.
Bukas ng gabi, magaganap ang inaabangang pambungad na talumpati ni Pangulong Marcos para sa pagbubukas ng IISS Dialogue ngayong taon.
Ang dayalogo na ito ang nagsisilbing pinakamalaking talakayan ng mga usaping pang-depensa at pang-seguridad na kinahaharap ng iba’t ibang bansa.
Tinatayang nasa 40 bansa ang dadalo sa talakayang ito.
Ayon kay Pangulong Marcos, big deal para sa Pilipinas na maimbitahan upang maging keynote speaker sa dialogong ito, dahil pagkilala aniya ito sa mga hamong kinahaharap ng Pilipinas.
Sinabi ng Pangulo na ilalatag niya ang posisyon ng Pilipnas sa ilang regional issues, at ibabahagi rin ng Pangulo ang mga nakikitang paraan ng bansa sa pagsulong.
“I think it’s highly significant, the invitation in itself is highly significant. The fact that they ask a Philippine President to come and speak on that very summit is very significant in the sense that it is a recognition of the challenges that we are facing, Philippines specifically. And not only the Philippines but it affects the region and it affects the world,” pahayag ng Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan