Suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang bagog pinuno ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ang pagpapahayag ng suporta ay ginawa ng Pangulo sa pamamagitan ng X account nito na kung saan ay binigyang diin ng Presidente ang pagiging kuwalipikado ng Senador sa bago nitong responsibilidad.
Ayon sa Pangulo, ang record ni Escudero sa pagbalangkas ng batas at dedikasyon nito sa serbisyo-publiko ay nagpapakitang isa itong dedicated leader.
Umaasa naman ang Chief Executive na sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Escudero ay magpapatuloy ang Senado na bigyang-priyoridad ang mga makabagong batas upang makamit ang minimithi ng kanyang administrasyon para sa Bagong Pilipinas.
Sa kabilang dako ay kinilala naman ng Pangulo ang kapuri-puring panunungkulan ni Senador Migz Zubiri sa Senado sa panahon ng pagiging lider nito ng Upper Chamber. | ulat ni Alvin Baltazar