Personal na binabantayan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang paggalaw ng presyo ng agricultural products lalo na ang bigas at mais habang papalapit ang panahon ng La Niña.
Ito ang tiniyak ng kalihim alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para maprotektahan ang mga magsasaka at consumers.
Sinabi ng kalihim, mula nang maupo siya sa DA siya mismo ang nagmo-monitor ng lahat ng presyo ng bilihin sa mga palengke sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ang matinding init at tag-tuyot na panahon aniya ay dulot ng El Niño sa mga nakalipas na buwan, ang nakaapekto sa agricultural sector.
Sa pagdating naman ng La Niña, inaasahan na ang malalakas na ulan na magdudulot ng mga pagbaha na makakaapekto din sa mga lupang sakahan.
Kamakailan lang, iniutos ng kalihim ang pagbuhay sa Climate Resilient Agriculture Steering Committee na mangangasiwa sa mobilisasyon ng resources ng ahensya para sa pagtugon sa climate change.
Si Laurel ay miyembro ng Presidential Task Force El Niño, na pinamumunuan ni National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. bilang Chairperson at DOST Secretary Renato Solidum bilang co-Chair. | ulat ni Rey Ferrer