Agad naramdaman ang epekto ng bagyong Aghon partikular sa sektor ng agrikultura.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Agora Public Market sa San Juan City, ₱20 ang itinaas ng presyo sa kada kilo ng gulay dito.
Ang Talong at Kamatis na dating nasa ₱80 ay nasa ₱100 na ang kada kilo ngayon, habang ang Ampalaya ay nasa ₱160 na ang kada kilo.
Tumaas din ang presyo ng kada kilo ng Repolyo, Pechay, gayundin ng Calamansi.
Ayon sa mga tindero ng gulay, bagaman inaasahan na nilang gagalaw ang presyo ng gulay ay nagulat pa rin sila dahil sa laki ang iminahal nito.
Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), aabot sa ₱11.8-million ang naitalang halaga ng pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura.
Ilan sa mga tindero rito ay humahango ng “Gulay Tagalog” sa Region 4-A o CALABARZON na siyang pinaka-napuruhan ng bagyo pero kapansin-pansin na gumalaw din maging ang mga gulay mula sa Norte. | ulat ni Jaymark Dagala