Nananatiling matatag ang presyuhan ng repolyo sa Kalentong Public Market sa Mandaluyong City.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, naglalaro sa ₱60 hanggang ₱70 ang kada kilo ng repolyo na mabibili rito.
Ayon sa mga nagtitinda ng gulay, mura na ito kahit pa humahango sila ng mga agri-product sa ibang pamilihan gaya ng Divisoria sa Maynila.
Malayong-malayo ito kumpara sa presyuhan ng mga bagong ani na repolyo na ibinebenta sa Baguio City na naglalaro lamang sa ₱2 hanggang ₱3 kada kilo.
Anila, ang “trend” sa ngayon ay dumaraan sa maraming kamay ang mga produkto mula Baguio bago maibaba sa Maynila kaya’t malaki na rin ang patong dito.
Gayunman, malaki ang tsansang bababa pa ang presyo ng repolyo kung direktang hahango sa mga supplier dahil mas mura ang puhunan. | ulat ni Jaymark Dagala