Bahagyang bumaba ang kabuuang produksyon sa sektor ng pangisdaan sa bansa sa unang quarter ng 2024, ayon yan sa Philippine Statistic Authority (PSA).
Batay sa tala ng PSA, umabot sa 987,000 metriko tonelada ang fisheries production mula Enero hanggang Marso ng 2024.
Mas mababa ito ng 0.5% kung ikukumpara sa naitalang 992,000 metriko toneladang produksyon sa kaparehong period noong 2023.
Ayon sa PSA, pangunahing nakahatak sa pagbaba ng produksyon ay marine municipal fisheries.
Sa kabila nito, nagtala naman ng pagtaas ang produksyon sa commercial, inland municipal fisheries at aquaculture.
Partikular na tumaas ng 10.7% ang produksyon sa commercial fisheries habang tumaas rin sa 17.6% ang total volume ng produksyon sa inland municipal fisheries.
Maging ang aquaculture ay mayroon ding bahagyang pagtaas sa produksyon na pumalo sa 546,000 MT.
Ang aquaculture subsector din ang nananatiling may pinakamalaking share na 55.3% sa kabuuang fisheries production sa nakalipas na quarter.
Kabilang sa mga major species na nakapagtala ng output reduction ang tamban, bangus, bisugo, alimasag, at seaweed.
Habang maganda naman ang produksyon sa tilapia, tulingan, tunsoy, at tambakol. | ulat ni Merry Ann Bastasa