Kailangan maghigpit ang civil registry ng bansa lalo na pagdating sa pagkuha ng citizenship.
Ito ang sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kasunod na rin ng pagkwestyon sa citizenship ni Bamban Mayor Alice Guo.
17 taong gulang na nang irehistro ang birth certificate nito sa pamamagitan ng late registration, ngunit hindi niya masagot kung saan siya ipinanganak o kung sino ang provider ng kaniyang home school education.
Sabi ni Adiong, sa mga pagdinig ng House Committee on Public Accounts lumabas na napakabilis makakuha ng mga ID ang mga dayuhan na pawang mga Chinese.
Habang siya na mayroon lang typographical error sa pangalan, kinailangan pang dumaan sa korte para lang ito ay maitama.
“Kailangan talagang ma-review din natin yung proseso ng local registry natin doon sa pagfa-file, pag-a-avail ng citizenship, all the way to the PSA. So, I think kailangan din natin makita yun, just to ensure na unang-una hindi po tayo malusutan at mapadali yung pagkukuha ng citizenship dito sa bansa na ito. Ako may personal ako na-experience, idadagdag ko lang ito, ‘pag ako, yung birth certificate ko may konting typographical error, kailangan pa ako pumunta ng korte, ang haba ng proseso tapos ipa-publish pa ‘yan sa local news. Tapos ito sila ang dali-dali lang nila nakakuha,” sabi ni Adiong.
Suportado rin ng kinatawan ang hakbang ng Office of the Solicitor General na maghain ng quo warranto case laban kay Guo.
Pagprotekta aniya ito sa electoral process lalo at nakasaad sa Konstitusyon na tanging Filipino citizen lang ang maaaring tumakbo sa public office.
“Kasi sinabi po sa Saligang Batas, ‘pag natural born citizen ka ‘di ba isa iyon sa requirement kung paano ka mag-hold ng isang public office especially if you’re elective positions. Nais lang ng OSG na maprotektahan iyong ating electoral processes na open lang ito sa natural born Filipinos,” paliwanag ni Adiong.
Ayon naman kay Manila Rep. Bienvenido Abante, tama lang ang hakbang ng OSG.
Katunayan, dapat aniya ay aksyunan din ito ng DILG at alisin sa pwesto ang alkalde.
“Ako, we welcome that. Alam mo malaking garapalan na ito eh. Itong Bamban Mayor Alice Guo sa kanyang mga sagot tingan natin maigi kung talagang Pilipino ito. Alam ninyo hindi siya dapat maging Mayor kung hindi mapatunayang Pilipino siya, dapat lamang na tanggalin na ito bilang mayor…puwede naman itong tanggalin na ng DILG kung kinakailangan, kung talagang mayroong batayan ng kanyang pagtanggal eh hindi na kailangang-kailangan pang i-delay ang pagtanggal nito eh. Dapat lamang na gumawa na ng paraan para itong Mayor ng Bamban Alice Guo ay matanggal na at hindi pamarisan ng iba,” sabi ni Abante. | ulat ni Kathleen Jean Forbes