Ikinagalak ni Senador JV Ejercito ang pagratipika ng Senado sa Bicameral Conference Committee Report ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill.
Sa huling araw ng sesyon kahapon ay iprinesenta ni Senate Committee on Agriculture Chairperson Senadora Cynthia Villar ang napagkasundong bersyon ng Senate Bill 2432 at ng House Bill 3915 at saka ito naratipikahan.
Ayon kay Ejercito, titiyakin ng panukala na maproprotektahan ang estado mula sa mga gumagawa ng economic sabotage at lalo na nang proprotektahan nito ang kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino.
Layon ng naturang panukala na ipawalang bisa ang Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act at makapagpataw ng mas mabigat na parusa para sa smuggling, hoarding, profiteering at kartel ng mga agriculture at fishery products.
Idinagdag rin ni Ejercito na sa ilalim ng panukala ay magkakaroon ng pagkakapantay-pantay ang mga lokal na magsasaka dahil aalisin nito ang mga mapagsamantalang profiteer, hoarder at kartel. | ulat ni Nimfa Asuncion