Muling hinimok ng Manila Electric Company (MERALCO) ang mga kustomer nito na magtipid sa paggamit ng kuryente.
Ito’y matapos i-anunsyo ng power distributor ang ₱0.46 centavos kada kilowatt hour na dagdag-singil sa kuryente ngayong buwan.
Ayon sa MERALCO, dapat mabantayan ng mga kustomer ang kanilang konsumo lalo’t umiiral pa rin ang panahon ng tag-init.
Kasunod nito, pinayuhan ng MERALCO ang kanilang mga customer na ugaliing tanggalin sa saksakan ang mga appliance kapag hindi ginagamit, magplantsa ng damit ng maramihan at regular na linisin ang electric fan gayundin ang filter ng aircon.
Mainam din anilang gumamit na lamang ng LED bulb upang mas makatipid sa pagkonsumo ng kuryente.
Mababantayan din ng mga customer ng MERALCO ang kanilang bill sa kuryente sa tulong ng kanilang Mobile App Appliance Calculator kung saan makikita ang impormasyon tungkol sa konsumo ng mga appliance at mga gadget. | ulat ni Jaymark Dagala