Muling sinampahan ng kasong kriminal ng Quezon City Police District (QCPD) ang lider at dalawang miyembro ng Manibela transport group.
Ang pagsasampa ng kaso ay may kaugnayan sa kilos protesta ng grupo sa Batasan Complex noong Mayo 6,2024.
Kasong paglabag sa B.P. 880 o Public Assembly Act of 1985, paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code o Alarm and Scandal at paglabag sa Article 151 ng RPC o Resistance and Disobedience ang isinampa laban kina nina Manibela Chairman Mario Valbuena, Reggie Manlapig at Alvin Reyes sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ayon sa QCPD, humigit kumulang 500 raliyista ang naglunsad ng rally na tumututol sa PUV phase-out program ng gobyerno.
Dahil dito, nagdulot ng matinding abala sa publiko at motorista ang kilos protesta ng transport group.
Kinumpirma din ng QCPD na walang permit mula sa Quezon City LGU ang grupo para maglunsad ng kilos protesta.
Nauna nang kinasuhan ng kahalintulad na mga kaso ng QCPD sina Valbuena at ilang miyembro nito dahil din sa inilunsad na dalawang araw na tigil pasada noong Abril 15.
Matinding abala at perwisyo ang idinulot ng kanilang protesta noon ng harangan ng may 70 jeepney at raliyista ang Commonwealth, East Avenue at Quezon Avenue.| ulat ni Rey Ferrer