Pinuri ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri ang ratipikasyon ng tatlong mahahalagang priority measures ng 19th Congress.
Kabilang sa mga naratipikahan ng Senado at Kamara bago ang sine die adjourment nitong nakaraang linggo ay ang panukalang New Government Procurement Act, Magna Carta of Filipino Seafarers at ang panukalang Agricultural Economic Sabotage Act.
Kumpiyansa si Zubiri na sa pamamagitan ng mga panuakalang ito ay matutugunan ang ilan sa mga isyu mahalaga sa mga Pilipino.
Ang New Government Procurement bill ay layong palitan ang Republic Act 9184 at makapaglatag ng mga reporma sa procurement process ng pamahalaan.
Partikular na aniya sa pagtitiyak ng transparency at efficiency ng bidding process at awarding ng mga government contracts.
Layon naman ng Magna Carta of Filipino Seafarers na tiyakin ang kapakanan ng mga lokal at international Filipino seafarers at mapabuti ang kanilang working condition.
Habang ang Agricultural Economic Sabotage Bill naman ay papalit sa RA 10845 o ang Anti-agricultural Smuggling Act.
Layon nitong patawan ng mas mabigat na parusa ang mga indibidwal na nagsasagawa ng smuggling, hoarding at cartel na nagmamanipula ng suplay at presyo ng mga produktong pang agrikultura.| ulat ni Nimfa Asuncion