Welcome kay Senate Majority Leader Joel Villanueva ang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na rebyuhin ang minimum wage ng mga manggagawa sa buong bansa.
Ipinunto rin ng majority leader na napasa na nila ang panukalang P100 legislated wage hike para sa private sector employees at hinihintay na lang ang counterpart bill nito ng Kamara.
Sa bahagi ni Villanueva, isinusulong niya ang Senate Bill 2140 o ang panukalang magtakda ng living wage bilang basehan sa pagtukoy ng daily minimum wage ng mga manggagawa.
Binigyang diin ng senador na ang rebyu sa minimum wage at panukala para sa pagtatakda ng living wage ay makakatulong sa pagtugon sa tumataas na involuntary hunger sa bansa.
Isa pa aniyang paraan ang pagpapatupad ng mga polisiya kontra inflation gaya ng pagpapataas ng lokal na produksyon ng mga basic commodities.
Kasama na aniya dito ang programa sa patubig at pagpapalakas ng sektor ng agrikultura ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion