Inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro na ikinakasa na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga bagong panuntunan para sa recruitment sa kanilang hanay.
Layon nito ayon sa kalihim na mahikayat ang mas maraming kabataan gaya ng mga fresh graduate gayundin ng mga tinatawag na young professionals para sumailalim sa enlistment bilang bahagi ng reserved force ng bansa.
Ayon kay Teodoro, naniniwala siyang malaki ang maiaambag ng mga kabataan sa Sandatahang Lakas bitbit ang kanilang mga galing at talento na magagamit sa kanilang pagsisilbi sa bayan.
Dagdag pa ng kalihim, marami aniyang gustong tumulong sa bansa kahit hindi magsuot ng uniporme, isang bagay na aniya’y dapat samantalahin.
Kaya naman, nakikipag-usap na si Teodoro sa Deputy Chief of Staff for Personnel ng AFP na maibaba ang kasalukuyang recruitment age na 26 para sa enlisted personnel dahil marami sa mga bagong graduate ang ayaw munang magtrabaho. | ulat ni Jaymark Dagala