Sinimulan na ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments ang regional consultations para sa panukalang amyendahan ang economic provision ng Saligang Batas ng bansa.
First stop ng regional consultation ang Baguio City kung saan inimbitahan ang mga opisyal ng provincial at local governments ng Benguet kabilang sina Itogo, Benguet Mayor Bernard Waclin at Tuba Mayor Clarita Sal-Ongan.
Sa bahagi naman ng education sector, kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan ng Department of Education (DepEd) CAR, Don Mariano Marcos Memorial State University La Uninlion, Cordillera State Institute of Technical Education, Bangui Institute of Technology, at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Regional Training Center.
Para kay Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairperson Senador Sonny Angara, naging produktibo ang unang regional consultation na ito dahil nakita ang iba’t ibang perspektibo tungkol sa panukalang Economic Cha-Cha.
Sinabi rin ni Angara na pagkakataon ito para matugunan ang pangamba ng ilan tungkol sa panukala kabilang na ang epekto sa mga lokal na industriya at local schools.
Sa tingin rin ng senador, nakatutulong ang mga ginagawa nilang pagdinig para makumbinsi ang iba pang mga senador tungkol sa Eco Cha-Cha.
Pagdating naman sa agam-agam ng ilan sa panukalang amyendahan ang economic provision ng Saligang Batas, ipinaliwanag na general lang ang isinasaad sa Konstitusyon at nagsisilbi lang itong gabay.
Pagdating aniya sa mga partikular na problema, ay matutugunan ito sa pamamagitan ng pagbuo ng mga batas o sa pamamagitan ng ipatutupad na polisiya ng kinauukulang ahensya ng gobyerno, gaya ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa Huwebes, May 23, dadalhin ng subcommittee ang regional consultations para sa Economic Cha-Cha sa Cebu City at sa Cagayan de Oro naman sa Biyernes, May 24. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion