Lubhang ikinababahala ngayon ni ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo ang napaulat na milyong pisong singil sa mga Chinese student na nag-aaral sa Cagayan.
Sa imbestigasyon ng House Committee on Justice ukol sa biglang dami ng mga Chinese national na nag-e-enrol sa mga unibersidad sa Cagayan, ibinahagi ni Cagayan Representative Jojo Lara na pumapalo ng ₱1.2-million ang matrikula ng mga mag-aaral sa St. Paul University sa Tuguegarao.
Sinabi ni Tulfo na nakaka-alarma ang impormasyong ito na isang banta rin sa seguridad ng bansa.
Sabi ng House Deputy Majority leader, marapat lang na imbestigahan at suriin ang kanilang mga financial transaction sa bansa lalo na sa ating mga educational institutions dahil maaaring nakokompromiso nito ang ating national security.
“It prompts an urgent review of our policies to ensure that they do not inadvertently compromise the country’s security and sovereignty. The government must act swiftly to implement measures that safeguard our national interests while maintaining the integrity and accessibility of our educational system,” ani Tulfo.
Pinatotohanan din ng mambabatas ang presensya ng mga Chinese national nang bumisita ito sa Tuguegarao kamakailan.
“Nagulat ako kasi karamihan sa mga sinasabi nilang mga estudyante ay hindi naman mga mukang estudyante. Karamihan sa kanila mga itsurang matanda na. Ito ang nakakabahala, baka mamaya sinasakop na nila ang ating bansa,” sabi ni Tulfo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes