Pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na nagpapahayag ng pakikisimpatya at dalamhati sa pagpanaw ni dating Senador Rene Saguisag.
Inaprubahan ng lahat ng mga senador ang Senate Resolution 1009 na inisponsor nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva, at Minority Leader Koko Pimentel.
Inilarawan ni Zubiri si Saguisag bilang ‘Man of the People’ at ‘Man for the People’.
Inilaan aniya ng dating senador ang kanyang buhay sa paglaban para sa mga nangangailangan at sa mga walang kakayahang ipaglaban ang kanilang mga sarili.
Kinilala naman ni Legarda ang pagtataguyod ni Saguisag ng hustisya at pagiging boses ng mga naaabuso at naaapi.
Emosyonal namang inalala ni Senador Nancy Binay ang dating senador at sinabing hindi ito kailanman naging politiko, bagkus, ay matatawag itong isang statesman.
Nagsilbi bilang senador si Saguisag mula 1987 hanggang 1992 at naging co-author ng mga landmark legislation gaya ng Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Republic Act No. 6770 o ang Ombudsman Act of 1989.
Personal namang tinanggap ng mga kaanak ni Saguisag ang resolusyon na pinagtibay ng Mataas na Kapulungan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion