Malugod na tinanggap ng National Security Council (NSC) ang resulta ng huling survey na nagpapakita ng suporta sa posisyon ng pamahalaan sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isang kalatas, sinabi ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año, na ang mga Pilipino ay nasa panig ng kapayapaan pero alam na ipaglaban ang tama at ang sariling pag-aari.
Sa huling resulta ng “Tugon ng Masa” survey para sa unang quarter ng 2024, 73 porsyento ng mga respondent ang pabor sa pagbibigay ng prayoridad ng pamahalaan sa aksyong militar sa pagtugon sa mga banta sa soberenya at pambansang teritoryo.
Habang 68 porsyento naman ang sumusuporta sa patuloy na modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines para mas epektibong maipagtanggol ang bansa sa panlabas na agresyon.
Nagpasalamat si Sec. Año sa mga mamamayan sa patuloy na suporta, kasabay ng pagtiyak na sa gabay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay hindi aatrasan ng pamahalaan ang mga ilegal, mapanghamon, agresibo at mapanlinlang na taktika sa West Phil. Sea. | ulat ni Leo Sarne