Sa kabila ng pagbilis sa headline inflation nitong Abril ay naitala naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang bahagyang pagbagal sa rice inflation o galaw sa presyuhan ng bigas.
Mula kasi sa 24.4% rice inflation ay bumaba ito sa 23.9% nitong Abril.
Paliwanag ni National Statistician at PSA Chief Claire Dennis Mapa, ito ay bunsod ng bumababa nang presyo ng bigas sa world market.
Batay aniya sa monitoring ng PSA, dalawang buwan na o mula nitong Pebrero hanggang Marso may tapyas sa presyo ng bigas sa international market.
Muli ring nilinaw ni Mapa na ang mas mataas na rice inflation ay bunsod ng mababang base effect noong nakaraang taon.
Kabilang sa nagkaroon ng tapyas ang well milled at special rice nitong Abril.
Para sa well milled rice, ang average na presyo ay nasa ₱56.42 kada kilo nitong Abril, mula sa mas mataas ng ₱56.44 kada kilo noong Marso.
Ang average na presyo naman ng special rice ay bumaba sa ₱64.68 kada kilo noong nakaraang buwan mula sa ₱64.75 kada kilo noong Marso. | ulat ni Merry Ann Bastasa