Umaapela na si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon kay Senate President Migz Zubiri na tanggalin na sa komiteng kanyang pinamumunuan si Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Sinabi ni Secretary Gadon, wala nang patutunguhan ang imbestigasyon ng Senate Committee on illegal drugs tungkol sa PDEA leaks kundi ang gusto lamang ay ang gumawa ng destabilization laban sa gobyerno.
Kung sinasabi aniya ni Senator Dela Rosa na authentic ang dokumento ay nangangahulugan lamang na authentic ang form na ginamit.
Paliwanag pa nito na sinumang empleyado ng gobyerno ay maaring gumawa ng report sa isang form.
Pero sa sandali aniyang ito ay itinapon o ibinasura na ng kanyang superior at hindi nai-file maituturing na isa na itong basura.
Dahil dito ay pinatitigil na ng kalihim ang pagdinig dahil malinaw aniyang pagsasayang na lamang ng pera ng bayan ang isang imbestigasyon na ang pinanggalingan ay mula lamang sa isang tsismis.
Nagpasaring pa si Gadon sa pamamagitan ng pagkukumpara sa talino at kakayahan ng ilan sa naging dating mga Senador at ikinumpara kay Senator Dela Rosa.| ulat ni Rey Ferrer