Umapela si Senate President Chiz Escudero kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipatawag na ang Judicial Executive Legislative Advisory Council (JELAC) para talakayin ang mga nakabinbing batas sa Korte Suprema.
Paglilinaw ni Escudero, hindi ito para impluwensyahan ang desisyon ng mga mahistrado tungkol sa mga nakabinbing kaso.
Ito aniya ay para magpalabas ng desisyon para makaabante na ang pamahalaan.
Kasama sa mga nais nang madesisyunan ng Senate leader ay ang tungkol sa petisyon kontra sa batas na nag aamyenda sa Public Services Act.
Tinutugunan kasi aniya ng batas na ito ang restriction sa Konstitusyon para makapasok ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
Tinukoy rin ni Escudero ang batas na ito na siyang tutugon sa ilan sa mga isyu na nais solusyunan ng ipinapanukalang economic charter change (chacha).
Idinagdag rin ng mambabatas na may iba na ring mga batas at regulasyon na tutugon sa iba pang nais ng eco chacha, gaya ng mga regulasyon ng CHED (Commission on Higher Education) para makapasok ang mga international schools sa bansa at ang malaya nang pagpasok sa Pilipinas ng mga international media company tulad ng BBC at CNN gayundin ng mga advertising companies. | ulat ni Nimfa Asuncion