Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na palawakin ang saklaw ng mga heat index para magabayan ang mga paaralan at mga lokal na pamahalaan sa pagsuspinde ng mga klase.
Sa ganitong paraaan aniya ay mawawala na ang pagiging arbitrary ng pagkansela ng mga klase dahil sa sobrang init ng temperatura.
Ayon sa chairperson ng Senate Committee on Basic Education, dapat ay may parehong gabay gaya ng pagtatalaga ng storm signal number kapag may bagyo.
Sinabi ni Gatchalian, na mahalagang maibigay sa mga punong guro at local government units ang kinakailangan nilang impormasyon para maagap na makapagresponde sa sitwasyon.
Bagamat aminado ang Department of Education (DepEd) na saklaw lang ng mga forecast ng PAGASA ang tiyak na mga probinsya at lungsod, hindi pa rin malinaw sa mga paaralan kung hanggang saan ba ang saklaw ng mga inilalabas na heat index kada lugar.
Sinabi naman ng PAGASA, na gumagawa na rin sila ng interactive na mapa na maaaring ipakita ang heat index forecast sa isang tiyak na lugar sa susunod na pitong araw. | ulat ni Nimfa Asuncion