Naghain si Senate Committee on Ways and Means Chair Sherwin Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa sa gitna ng patuloy na tumataas na bilang ng mga krimen na nauugnay dito.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 2689 na naglalayong bawiin ang taxability o pagpapataw ng buwis sa offshore gaming sa bansa batay sa itinatakda ng Republic Act 11590.
Giit ng senador ang pangunahing layunin niya sa panukalang ito ay mapawalang bisa at maipagbawal na ang POGO sa Pilipinas.
Aniya, bagamat sinasabing ang industriya ng POGO ay nagdadala ng kita at nagbibigay ng trabaho, kaakibat naman nito ang pakikipagbuno ng bansa sa pagsawata ng mga krimen na may kaugnayan sa POGO.
Kabilang na sa mga krimen na ito ang human trafficking, kidnapping, online scam, at iba pa.
Sa ginawang pag-aaral ng senador sa ibinibigay na economic benefit kontra sa gastos ng pamahalaan sa mga operasyon sa iligal na aktibidad na may kaugnayan sa POGO at sa nawawalang potensyal sa pamumuhunan at turismo sa bansa dahil dito, lumalabas na lugi pa ang pamahalaan at higit na pinsala lang ang dala ng POGO kaysa sa kabutihan.
Kaya naman dapat na aniya itong tugunan at ganap nang ipagbawal ang POGO sa bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion