Magsisilbing pagkakataon para sa Mataas na Kapulungan na busisiin ang performance ng Manila Electric Company (Meralco) ang submission para sa renewal ng prangkisa ng kumpanya.
Sa ngayon kasi ay nakabinbin na ang House Bill 9813, na layong palawigin ang prangkisa ng Meralco na nakatakda nang mag-expire sa taong 2028.
Para kay Gatchalian, ang magiging pagsalang ng franchise renewal bill ng Meralco ang magsisilbing review sa pagseserbisyo ng power distribution company sa mga taga Metro Manila at iba pang mga kalapit na lugar.
Ito ay sa gitna ng mga power interruption at rotational brownout na naranasan sa ilang mga lugar na sineserbisyuhan ng Meralco.
Kabilang aniya sa mga sisilipin ng senador para maging batayan kung sasang-ayon siya sa franchise renewal ng Meralco ay ang power connection, presyo, brownouts, bilis ng pagsasaayos ng mga linya at iba pa.
Bahagi aniya ito ng paglalagay ng accountability sa mga franchise grantee gaya ng Meralco.
Sa ngayon, ay hihintayin muna ng Senado na makarating sa kanila ang franchise bill na tatalakayin ng Kamara bago ito aksyunan. | ulat ni Nimfa Asuncion