Tiniyak ni Senadora Risa Hontiveros na mayroon suporta ang Taiwan mula sa Pilipinas.
Ito ay sa gitna ng ginawang three-day military drill ng China sa paligid ng Taiwan matapos manumpa si bagong Taiwanese President Lai Ching-te nitong nakaraang linggo.
Giit ni Hontiveros, gaya ng anumang malaya at demokratikong mamamayan, ay may karapatan ang mga Taiwanese na pumili ng kanilang mga pinuno at maghalal ng kanilang mga kinatawan.
Ipinahayag ni Hontiveros ang pagtitiyak niya kay bagong Taiwanese President Lai Ching-te na mayroon siyang kaalyado sa Pilipinas.
Umaasa rin ang senadora na titindig at susuportahan rin ng international community ang Taiwan sa gitna ng ginagawa ng China.
Giit ng mambabatas, anumang conflict sa ating rehiyon ay hindi lang nakakaapekto sa mga kalapit na bansa kundi maging sa buong mundo.
Nanawagan rin si Hontiveros sa China na itigil na ang pagpapakita ng lakas sa paligid ng Taiwan at sa buong South China Sea.
Aniya, hindi solusyon ang militarisasyon ng South China Sea at sa halip ay dapat makipagtulungan ang Beijing sa mga gobyerno ng mga bansa sa paligid ng South China Sea para mapahupa ang tensyon sa rehiyon. | ulat ni Nimfa Asuncion