Sa tingin ni Senate Committee on Labor Chairperson Senador Jinggoy Estrada, malaki na ang posibilidad na magkaroon ng panibagong salary increase para sa mga manggagawa kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na rebyuhin ang minimum wage sa lahat ng mga rehiyon sa bansa.
Suportado ni Estrada ang proactive approach sa pagtitiyak ng patas na kompensasyon sa mga manggagawa, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Giit ng senador na mahalagang magpatupad ng napapanahong adjustment sa minimum wage para masiguro ang economic well-being ng labor force at maitaguyod ang social justice.
Nilinaw rin ni Estdada na hindi rin ito magiging balakid sakali mang maging ganap na batas ang isinusulong nilang dagdag na ₱100 sa arawang sweldo ng mga minimum wage earners.
Sakali aniyang makapagdesisyon ang mga Regional Tripartite Wage and Productivity Boards na may sapat na dahilan para magpalabas ng panibagong wage order ay magiging malaking kaluwagan aniya ito sa mga kababayan nating pilit na pinagkakasya ang kanilang buwanang kita sa lumalaking gastusin ng kanilang pamilya. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion