Isa na rin si Senador Juan Miguel Zubiri sa mga senador na nagpahayag ng pag-aalangan sa panukalang Absolute Divorce na nakapasa na sa Kamara.
Binigyang diin ni Zubiri na isa siyang pro family at pro life na mambabatas.
Kailangan pa aniyang pag-aralang mabuti ang Divorce Bill para matiyak na hindi matutulad ang Pilipinas sa ibang mga bansa na maraming dysfunctional family.
Ipinunto rin ng dating senate president na sa Mataas na Kapulungan ay nirerespeto naman ang independence ng bawat isang senador na i-sponsor ang ganitong panukala.
Ang mahalaga aniya ay mabigyan ng pagkakataon ang bawat senador na ipakita ang kanilang posisyon sa isyung ito at makipagdebate tungkol sa kanilang paniniwala ukol sa panukala.
Pero sa huli, naniniwala si Zubiri na magiging ‘conscience vote’ ang pagboto na pabor o kontra sa Divorce Bill. | ulat ni Nimfa Asuncion