Umapela si Senador Robin Padilla sa pribadong sektor na bigyan ng access ang mga sasakyang pandagat ng ating Philippine Navy sa mga pantalan sa Pilipinas.
Ayon kay Padilla, ito ay para matulungan ang ating sandatahang lakas na gampanan ang kanilang tungkulin na ipagtanggol ang ating bansa.
Ipinunto kasi ng senador na kadalasan ay umaabot ng apat hanggang 48 hours bago mabigyan ng pahintulot o espasyo sa mga daungan ang ating Philippine Navy vessels at depende rin sa ibibigay na permiso ng pribadong sektor kung gaano sila katagal na mananatili sa daungan.
Iginiit ng senador na kailangang magkaroon ng paghahanda ang ating bansa sa anumang senaryo lalo na rin sa gitna ng nagiging development sa West Philippine Sea.
Ipinaliwanag ng mambabatas na dahil sa kakulangan ng access sa mga daungan, nagkakaroon ng delay at wear-and-tear ang mga barko ng navy sa maintenance activities, refueling at reprovisioning.
Umaasa rin si Padilla na magkakaroon ng convergence projects sa pagitan ng Philippine Ports Authority (PPA) at Philippine Navy. | ulat ni Nimfa Asuncion