Pinare-review ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang epekto ng PUV Modernization Program (PUVMP) ngayong tapos na ang deadline sa consolidation ng jeepneys.
Ayon kay Poe, dapat paghandaan ng mga transportation official ang pagbusisi sa epekto ng jeepney modernization program kasama na ang paggamit ng P200 million na pondo para sa livelihood assistance ng mga driver.
Aniya, hindi ang deadline ng consolidation ang katapusan ng paglalabas ng mga hinaing patungkol sa jeepney modernization.
Binigyang diin ng senator, na babantayan ng Mataas na Kapulungan ang pagpapatupad ng PUVMP.
Pinagpapasa rin ng senator, ang Department of Transportation (DOTr) ng komprehensibong datos tungkol sa estado at nirebisang timelime ng PUV modernization program, at ng updated na statistics ng consolidation ng mga jeep, bilang ng mga rutang naserbisyuhan, mga apektadong ruta at contigency plans.
Nais ring malaman ni Poe ang plano ng ahensya para sa mga driver na mawawalan ng trabaho, estado ng pagpapatupad ng Entrepreneur and Tsuper Iskolar Programs, at ang paggamit ng pondo sa mga nakalipas na training programs para sa mga drivers. | ulat ni Nimfa Asuncion