Pinayagan ng Mataas na Kapulungan na dumalo si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ng online o virtually sa mga sesyon ng Senado.
Una nang nanghingi ng konsiderasyon ang ilang senador na payagan ang virtual attendance ni Revilla sa mga sesyon ng Mataas na Kapulungan dahil namaga at bumuka muli ang sugat na nilikha ng ginawang operasyon kay Revilla.
Matatandaang kamakailan lang ay sumailalim sa achilles tendon repair surgery si Revilla.
Kaugnay nito, nagmosyon si Senadora Imee Marcos na suspindehin muna rules ng Senado para payagang ang virtual attendance ni Revilla sa sesyon hanggang bumuti ang kondisyon nito.
Base kasi sa Senate rules, maaari lang ang virtual attendance ng senador sa senate sessions kung may COVID-19 at iba pang nakakahawang sakit ang isang senador.
Sinuportahan naman ito ni Senador Chiz Escudero sabay ng pagmumungkahi sa Senate Committee on Rules na rebyuhin ang Senate rule na ito.
matapos ay unanimous na bumoto pabor ang mga senador na gawing exemption sa rule na ito si Revilla.
Nagpasalamat naman ang senador sa konsiderasyong ibinigay sa kanya.
Una na ring naghain ng medical leave si Revilla dahil sa kanyang kondisyon.| ulat ni Nimfa Asuncion