Hinimok ni Senadora Risa Hontiveros ang Department of Transportation (DOTr) na makipagtulungan sa Land Bank of the Philippines at sa Development Bank of the Philippines (DBP) para sa pagbili ng mga modern jeep na maaaring paupahan sa mga consolidated transport cooperatives.
Solusyon aniya ito para sa inaasahang kakulangan ng mga jeepney dahil sa kabiguan ng ilan na makatupad sa deadline ng consolidation.
Minungkahi rin ni Hontiveros sa DOTr na gamitin ang 2024 at 2025 subsidy budgets nila sa pagbili ng modern PUVs para parentahan sa mga kooperatiba.
Kalaunan ay dapat rin aniyang payagan ang mga magrerenta na pumasok sa lease-to-own agreement sa pamahalaan kung maaaprubahan ang rutang maitatalaga sa kanila.
Ayon sa mambabatas, hangga’t walang klarong route plans ay hindi rin makatitiyak ang mga transport cooperatives kung magiging financially viable sila, bagay na makahadlang sa kanila na bumili ng mas malalaki pero mas mahal na modern jeeps.
Isa ring nirerekomenda ni Hontiveros ang pagbibigay awtoridad sa mga lokal na pamahalaan na magmay-ari ay mag-operate ng modern PUVs sa pamamagitan ng service contracting agreements sa mga transport cooperatives. | ulat ni Nimfa Asuncion