Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na sugpuin ang nagiging talamak na bentahan ng mga sanggol sa Facebook.
Una nang iniulat ni Department of Social Welfare and Development-National Authority on Child Care (DSWD-NACC) Executive Director at DSWD Undersecretary Janella Estrada, na may 20 hanggang 40 Facebook accounts silang mino-monitor na bumibili at nagbebenta ng mga sanggol.
Ayon kay Gatchalian, dapat managot ang mga sangkot sa gawaing ito sa ilalim ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862).
Ipinagbabawal ng batas ang child laundering o ang pagbebenta o pagbili ng mga bata gamit ang pagpapanggap.
Maituturing aniya na child laundering ang paggamit ng mga paraan tulad ng pamemeke ng mga detalye para palabasing ulila ang isang bata.
Giit ng senador, nakakabahala na nagiging talamak ang bentahan ng mga sanggol sa social media kaya dapat na itong agad na sugpuin.
Pinunto rin ni Gatchalian, na sa ilalim rin ng naturang batas ay mas pinatatag ang kakayahan ng mga law enforcer na mahuli ang mga trafficker online man o offline.
Dito, maaaring managot ang internet intermediaries kabilang ang mga social media network kung hahayaan nilang magamit ang kanilang mga platofrm para sa trafficking. | ulat ni Nimfa Asuncion